Miyerkules

Para kanino ka bumabangon?

Minsan ay tinatanong ko rin ang aking sarili "para kanino ka ba bumabangon?" maraming tugon ngunit parang walang katiyakan.  Para kanino nga ba?
Ate, telepono! Alas-9 daw bukas ng umaga.  Sige, Ok kamo.

"Inday, pakisuyo na din ng kape, yung hindi matamis."  
Sabay patay ng television upang ituloy ang trabahong iniwanan sandali.

"Papunta na ba mga tao, on the way na kami"

As usual, ilang sandali pa ay haharap na naman ako sa iba't-ibang tao para sa iba't-ibang isyu ng pamumuhay.  Ilang ulit na bang nangyari ang ganito? Ah, maraming beses na.  Maraming lugar na din akong napuntahan, maraming nang salita ang binaybay at pinag-aralan.  Kung sa simula ay hindi mahugot ang ibig sabihin pasasaan ba at magkaka-intindihan din sa tulong ng damdamin at layunin. Magkaiba man ang dialekto, mamya lang ay may interpreter na din.

"May mga tao na sa conference, mga taga-Parola!?" Tila nagtataka o nagtatanong sa ibinigay na impormasyon ng nag-ayos ng conference.   "Mga ilan na sila, nasa 50 na ba?"

"Marami na, sa'yo bang pa-meeting yan? Text ka na lang kung ilan yung hahandaan ng meryenda mamya para ipa-akyat ko na lang"
Sanay na ako sa ganitong sitwasyon, ang paliwanagan ang mga kaharap para sa usaping mas nakakabuti sa lahat; ang ipakita at ipaalam na naiintindihan mo ang saloubin ng bawat isa at itukoy kung ano ang pinagkaiba ng bawat paniniwala. Himayin kung ano ang nararapat na ikilos at tuntunan ng bawat isa. Ang himukin ang bawat isa upang gampanan at tayuan ang bagong tungkulin at layunin.

Marami akong kaibigan, lahat sila na nakaharap ko na ay nagiging kaibigan ko.  Hindi ko man matandaan lahat ang kanilang pangalan, ang tingin nila sa akin ay kakampi at ka-isa.  Kung sa iba ay kinatatakutan ang lugar na ito, medyo hindi ko nararamdaman yun.

Bakit ko ba ginagawa ito? Ah, bahagi kasi ito ng trabaho ko para maipa-tupad ang mga programa para sa sektor.   
Lunes hanggang Biyernes ay nasa-opisina ka gumagawa at pinag-iisipan ang mga teknikal ng pagpapatupad ng programa, nakikipag-usap sa ilang agensya, sinusuri ang ibang pangangailangan at posibleng kailanganin sa hinaharap, inili-linya ang lahat ayon sa stratehiyang direksyon. Humaharap sa iba't-ibang grupo ng sektor para sa iba't-ibang isyu.

Araw ng Sabado, bumababa sa pamayanan upang tingnan at pulungin ang komunidad at gabayan sila sa pagharap sa bagong tungkulin at hamon.   "Yung iba na hindi mapupuntahan sa Sabado ay sa Lingo na lang i-skedyul".

"Lord, pakitulungan mo na lamang po ako sa lahat ng gawain.  Sa ganitong paraan ko po pwedeng ibalik ang inyong grasya sa paglalang at pagbuo ng aking katauhan."

Minsan, naisip ko na mali yata ang aking panalangin. Hindi lang kaibigan, kumare-kumpare, kababayan.  Naging takbuhan ka rin sa sari-saring isyu at usapin sa buhay. Mula sa pagpapa-anak, sa pagdala sa ospital ng maysakit, sa pagpapalabas sa ospital ng mga detainees dahil sa walang pambayad.  Problema sa sistema ng pa-ilaw at pa-tubig, demolisyon, kasong kriminal at sibil, pagtulong sa nasunugan, pagpasok sa eskwelahan. Pagsasagawa ng mga medical mission at iba pa.

Para kanino ba ang ginagawa ko, para kanino ba ako bumabangon.  Trabaho pa ba ito? Hindi ako nakakaramdam ng panlulumo kahit kinakapos na sa pera sa pagtustos ng araw-araw na gawaing naging bahagi na ng aking buhay.

Nagkasakit ang nag-iisang kapatid ng tatay ko "Cancer" sabi ng Doktor. Hindi sya iba sa amin at kami lang ang pamilya nya.  Halos 3 taon din naming inilaban upang huwag namang panghinaan ng damdamin si Papa dahil nga nag-iisang kapatid nya yun at kinalakihan na din namin bilang kapamilya.

"Lord, sa dami ng maysakit na natulungan ko, bakit pati uncle ko may cancer?" Naging iba ang aking pakiramdam, bakit hindi kami exempted dun?  Nang sumunod na taon, namatay naman ang anak nung isang kaibigan ko, cancer din samantalang taga-Philippine Cancer Society sya at marami ding natulungan-pero wala din syang nagawa para sa anak nya.

Sa susunod, hindi na ako tutulong sa hospitalization at mga sakit-sakit, ayaw ko na kasing may mangyari pang ganun sa pamilya ko.  Kung tutulong man ako, hindi na siguro gaya ng dati. Bulong ko sa sarili, kaharap ang isang tasang kape bilang pampalubag-loob. Ahh.

Matapos ang dalawang linggo, humahangos na naman ako sa isang ospital sa cavite. Hindi para sa akin, kundi para sa walong-buwan gulang na anak ng isang kakilala mula sa "happyland" na naging malapit na din sa akin, nahahabag ako sa kalagayan nila at naiinis naman ako para sa kanyang asawa na nananakit na ay iresponsable pa.

Nasa kapeteria ako ng nasabing ospital at nagkakape. Naalala ko ang mga nakalipas na araw. Ngiti at isang tasang kape ay sapat nang katwiran sa lahat.

Martes

Para kanino nga ba?

Pagkahigop ng kapeng mainit ay kinuha ko na ang scrap pad ko. Isa itong malapad na green apple notebook na nabili ko sa National. Scrap pad ang tawag ko dito dahil dito ko lahat isinusulat ang lahat ng tumatak at pumasok sa isip ko; mga ideya, mga katanungan, mga palagay, senaryong nakikita, dapat gawin, batayan ng kilos, sketch, flow chart, drawing, sulat, mga prominenteng puntos, at maraming pang "therefore". Lahat ng laman ay pawang puros burador, magulo, may mga nakasingit o naka-dikit na tila ba ako lang ang nakaka-intindi maging sa samut-saring daan ng ballpen na hindi sumusunod sa linya ng papel na sinusulatan.

"Saang punto ba ako pwedeng magsimula?"
Ano ba ang aktwal na estado? Bakit ganito ? Ano ang pinagmulan? Bakit ganito ang ibang pagtanaw? Marami pang katanungan ang nakasalansan sa aking isipan, ngunit patuloy na sumusulat ang aking kamay, pilit na hinihimay isa-isa.

Sa wakas, ipi-print ko nalang ang mga pahina. " ipa-xerox na 'to kung ilan ang a-attend, just make sure na may excess na copy for our future use."

"patingin nga ulit ng listahan ng dadalo."
Ilang sandali pa ay minamarkahan ko na ang nasabing listahan. Palagi ko itong ginagawa sa ganitong kaparehong gawain, para at least kilala ko kung ano ang mga tuturuan ko at kung paano ko sila dadalhin. Handa na din ako sa pwedeng lamanin ng talakayan. Malaki ang paniniwala ko sa prinsipyo at kaisipang yumayakap sa aking pagkatao. Kadalasan ay isang sakong persuasion ang dala ko para maipamulat sa iba ang tunay na paglilingkod sa tao at sa bansa.

Madaling araw pa lang ay bumangon na ako upang pasadahan ang kabuohang target para sa buong araw. Mahalaga ang workshop, kailangang matuto at mamulat sila mula sa workshop.

"Authentic humanism" ang dapat maging basehan natin sa pakikipag-kapwa tao."
"Ang bawat isa ay nilakhang kawangis ng Diyos kaya hindi ka dapat gumawa ng ikasasama mo at ikasasama ng kapwa. Hindi ka dapat pumapatay o nag-uudyok ng kaguluhan sa kapwa at sa bansa." Litanya ng isang dumalo sa pag-aaral.

"May minungkahi bang solusyon? Bahagi ba sila ng solusyon? O kasama din sila sa sinasabi nilang korapsyon. Ano ang serbisyong ibinalik nila sa mamamayan?" Sabat ng isa.

Ang mga binitiwang kataga ay tanda ng pagkamulat ng pang-unawa at damdamin para sa tamang kaisipan. Marami ang umaayon at nagbibigay ng suportang pananaw. "Mahalaga ang pang-unawa ng bawat isa sa atin ngunit paano natin mapapagtibay ang pang-unawang 'yan, paano tayo lalakas?"

Training, group discussion, planning at tuloy-tuloy na ugnayan. Ang mga iyan ang nagpapatibay sa aking paniniwala, sa kaisipang aking kinamulatan. Ano ba ang layunin? Equality o pagkapantay-pantay! Paniniwala na ang ganitong estado na ito ay ating makakamtam kung ang bawat isa ay magkakaroon ng sapat na kaalaman at pantay na pagkakataon upang umunlad at maipamalas ang kakayahan. Back-pack, whiteboard marker, meta-card or bond paper, masking tape, sigurado meron ako nyan.

Halos matagal na panahon ko na ring ginagawa ito, ilang sako na ng tiyaga, panahon , sakripisyo at talino ang ginugol ko sa ganito, ilang oras kada araw. Ang lahat ng ito ay upang isulong ang kaisipang aking pinaniniwalaang mahalaga upang mabago ang lipunan: Tayo ay Pilipino, likas na mapagkasundo, matibay ang pananalig sa Diyos, matapat at mapagmahal. Madaling sambitin, ngunit hindi na nakikita sa ating gawi at pananaw.

Ilan ba ang bilang ng bumubuo sa lipunang gusto kong baguhin? Ilan ba ang kagaya ko na nag-aasam ng pagbabago sa lipunan. Pareho kaya kami ng pangarap na pagbabago? Ano ba ang impact ng gawaing ito para sa pangkalahatang lipunan?

Politikal? Di ba't politika ang nagpapa-takbo ng bansa?

Anong pagbabago ng lipunan ang nais ng ating pamahalaan, may ganito din kaya silang pangarap?
O ang kanilang Pagkilanlan at Popularidad ang mahalaga?
Eto ba ang basehan at panukat sa kung ano ang mabuti at tama?
Kasabay ba sa pag-unlad ng teknolohiya at pagkakaroon ng kayamanan ang pagkawasak ng ating prinsipyo at pagsuri sa mabuti at tama?

Nagmumuni-muni ako sa kaisipang ito." Ahh, sisikaping kong mapabuti ang pamilya ko, nasa ayos at hindi dagdag pasakit sa lipunan at sa bansa, I will share this effort to some friends and affiliates.
Eto na lang ang handog ko para sa bansa ko".

Alas-9:00 ng umaga, isang mainit na kape, sinangag, itlog at daing na bangus. Masarap na agahan para sa mapayapang kaisipan, maganda ang gising ko at hindi ako stress.