Aktibista
Binalot ng paniniwala at kaisahang kinongkreto ng sama-samang pag-aaral, pagsasanay at panahon. Malalim na pagtingin sa lipunang pinatindi ng pinag-alab na damdamin, gamit ang malaking agwat ng mayaman at mahirap; ang mga alipin at silang mga mapang-uri.
Binigkis ng damdamin. Awa sa mga naaapi at pinagsasamantalahan ng mga nakalalamang; silang mga walang tahanan, silang mga hindi sapat ang pinag-aralan at silang hindi alam ang karapatan at ang batas.
Siya na may pagnanais na ipaalam ang kaapihan at pagsasamantala sa madla ng ilang mga nasa poder gamit ang kapangyarihan at kayamanan.
Silang mga sundalo ng madla, tagapag-sulong at nagsisilbing boses ng lipunan. Nagsasaliksik sa mga hindi makatarungan na pangyayari. Tama at mabuti ba ang kanyang ginagawa, ngunit bakit minsan ay hinuhuli ng batas? Bakit sa tagal ng pagsusulong sa pinaniniwalaang karapatan at kaisipan ay tila wala pa ring katiyakan?
Ilang manggagawa na ba ang sinamahan, ilang kompanya na ba ang nagsara nang dahil dito at ilang manggagawa ang tuluyang nawalan ng hanap-buhay? Bakit ganun, parang may mali, parang may kulang.
Marami pang katulad nya ang tumatayo bilang kakampi ng mamamayan. Itinataya ang kangyang panahon, lakas, kabataan, talino at ilang pagkakataon. Nagsusumikap na ipamula't ang kaisipang pinaniniwalaan sa pag-asang mababago ang lipunan at makakamtan ang tamang pag-unlad na kasama ang mamamayan. Panlipunang pagbabago at pagkapantay-pantay.
Ngunit posible nga ba ang lahat ng ito? Ilan at sinu-sino na ba ang nakinabang sa sinasabing mong empowerment o pagsasakapangyarihan?
Sila na tinitingala mong lider at kakampi ng mamamayan. Sila na magaling manalumpati at animo ay kasama. Sila na pinayabong nang mga pagsasaliksik, talino at pakikiisa ng mga kasama. Sila na tumatanggap ng pagkilala. Sila na may mga personal na body guards. Sila na nagsasabing ramdam ko ang kahirapan. Sila na hindi kumakain sa turu-turo. At sila na nagsasabing "wala korupsyon". Ano ba ang kanilang kalagayan?
Asan ka tunay na aktibista? Sila ba na sumisigaw sa lansangan laban sa mapang-api o sila ba na tahimik na kumikilos at nagsasaliksik ng mga solusyon at programa para sa mga komunidad. Ano ka na ba ngayon? Ano ba ang iyong panukat?
Politika at Gobyerno
Ano na ba kasi ang ibig sabihin ng politika at gobyerno? Ito ba ay paghihimay ng mekanismo upang maihirang, makilala at magtamasa ng kapangyarihan pagharian ang lahat? Ito na ba ang ultimate intention? Ano ba ang kaibahan?
Ahh, isipin ko muna. Ikaw, para kanino ka bumabangon?
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento